Friday, July 06, 2007

Panaginip (Maikling Kuwento)

ni: Rey Tamayo, Jr.

Malakas ang bawat bugso ng hangin. Marahan kung binabagtas ang daan patungo sa Baryo ng San Juaquin. Halos may labing limang taon ko na rin na hindi nakikita ang lugar na ito na aking kinagisnan. Dito sa lugar na ito nagsimula ang lahat, dito hinubog ang aking kaisipan, dahan dahang pinanday ang aking diwa at natutuhang tanggapin ang katotohanan, mga katotohanan na minsan ayaw mo nang balikan sa dahilang natatakot kang muling masaktan. Ngunit ang pananaw kong ito ay nabago matapos kong suriin ang aking sarili. Kailangan mo rin palang harapin ang katotohanan, mahirap man tanggapin ng isang tulad ko.

Maya maya'y natanaw ko na ang lugar ng Golgota. Isang lumang sementeryo na nasa dulong bahagi ng aming baryo. Hindi ko alam kung bakit tinawag na Golgota ang libingan sa gitna ng kakahuyan. Gayon pa man nananabik ang aking mga paa na makatuntong muli sa dakong iyon. Halos kalahating oras ko ring binagtas ang masukal na daan, ang libingang kinalimutan na ng kabihasnan ng tao. Nasilayan ko ang isang napakalaking puno ng balite na nakahandusay na sa lupa. Doon ako naupo na nilililiman ng mayayabong na dahon ng puno ng Acacia na halos katabi lamang. Kasalo ko sa aking pag-iisip ang malamyang sinag ni haring araw at ang mapanudyong bugso ng hangin na sumasalat sa aking katawan. Pinilit kong balikan ang kahapon. Sinamantala ko ang katahimikan ng paligid na tanging matatanaw ay ang mga puntod ng aking mga kanayon. Kinakatakutan ng iba ang lugar na ito kesyu may mga nagpapakita raw at may mga nagpaparamdam. Pero para sa akin ang lugar na ito ay mainam na dako upang magbalik tanaw sa nakalipas.

Madalas kaming maglaro dito ni Obet. Ang pinaka malapit na kababata ko sa baryo. Sa malawak na kakahuyan kami madalas magtaguan. Araw-araw naming tinatakbo ang masisiit at masukal na daan sa kagubatan. Hindi namin alintana ang pagod, init ng araw at kung minsan ay ang napakadilim na daan sa tuwing inaabot kami ng gabi sa aming paglalaro. Minsan, sa kasagsagan ng aming kwentuhan sa daan, hindi sinasadyang napadaan kami sa lumang sementeryo at yun nga ang Golgota na kinalalagyan ko ngayon. Nakaramdam kami ng bahagyang takot. Magsasampung taong gulang ako noon.

"Obet, lumang sementeryo ito diba?"

"Oo Junior, halika na baka hinahanap na tayo sa bayan." malumanay na sagot ni Obet.

Sumagi sa isip ko ang tagpong iyon. Alam kong masayang masaya kaming nagkukuwentuhan at nagbibiruan ngunit nang mapadpad kami sa lugar na iyon, napansin ko ang kakaibang reaksyon ni Obet. Niyaya ko pa nga siyang maglaro sa loob ng sementeryo ngunit tumanggi siya. Biniro ko pa nga siya na sa sandaling yaon na natatakot siya pero tulad ng inaasahan nagsawalang kibo ang aking kaibigan. Pinakikiramdaman ko ang kanyang ikinikilos, waring kakaiba sa akin. Hindi kasi ako nasanay na seryoso siya sa kanyang mga sinasabi. Tahimik akong sumama sa kanya sa daan pabalik ng nayon.

Wala siyang imik habang nag-uuhanan ang aming mga paa pauwi ng bahay. Nag-iisip ako ng malalim pero sadyang hindi ako nakahanap ng dahilan kung bakit nagbago ang reaksyon ni Obet. Kung sabagay mas matanda siya ng isang taon sa akin at may mga bagay na alam niya na di ko nalalaman. Ilang saglit pa'y natanaw na namin ang bayan, nakita ko kung paano inilabas ni Obet ang napakalalim na buntong hininga na iwan ko kung anong ibig sabihin. Sa aming paglalakad nakasabay namin si Mang Ambo na papauwi galing sa bukid. Niyaya kaming sumabay sa kanya. Agad naman kaming sumakay sa paragos na hilahila ng matandang kalabaw.

"O mga bata, mukhang inabot na kayo ng gabi sa daan. Dis oras na nang gabi dapat nasa kani-kanilang bahay na kayo." wika ni Mang Ambo.

“Salamat po, mang Ambo.”tugon ni Obet.

Eh saan ba kayo nanggaling mga bata?"

"Sa ano po, sa sementeryo po.” bigla kong naisagot.

"Ano sa Golgota!!!!!!"

Nabigla si Mang Ambo sa naging sagot ko. Matatandaang tinangka pang takpan ni Obet ang aking bibig sa pag-aakalang mapipigil niya ako na sabihin kung saan kami nanggaling. Pero nahuli si Obet na pigilan ako. Doon ko nakitang namutla si tandang Ambo matapos niyang marinig ang sinabi ko. Hindi ko alam kung anong misteryo mayroon sa sementeryong iyon.

Kinabukasan, nabalitaan ko na lamang na may sakit si Obet. Nalungkot ako sa dahilang naantala ang aming paglalaro. Sabi ng nanay niya nagsimula ang napakataas na lagnat niya noong hating gabi. Dahil sa pangyayaring yaon, nagkaroon ng bulong bulungan sa nayon na ewan ko kung anong ibig sabihin, marahil masyado pa akong bata para tuklasin ang bagay na iyon. Nagpasya ang aking mga magulang na dalhin ako sa Maynila. Mahirap man tanggapin pero wala akong magawa, alam kong ang pasyang iyon ay para sa aking ikabubuti. Sa bahay ni tiyo Samuel ako pansamantalang nanirahan kasama ang dalawa kong mga pinsan. Doon ko na rin ipinagpatuloy ang aking pag-aaral. Naalala ko pa noon ang kanyang sinabi sa akin na naitatak sa aking isipan, isang araw bago ako lumuwas ng Maynila.

"Junior, wala ka bang nakita noong nasa Golgota tayo?" pautal-utal na sambit ni Obet.

"Mga lumang puntod, malalaking kahoy, mga damong ligaw. Maliban doon wala na."

"Ganon ba, sige, ingat ka sa Maynila. Hayaan mo't magkikita uli tayo."

"Ikaw rin pagaling ka."

Sa di kalayuan may napansin akong dalawang batang lalaki na masayang naghahabulan patungo sa aking kinalalagyan. Masaya kong pinagmamasdan ang mga bata sa kanilang paglalaro. Na hindi alintana ang oras sa kanilang buhay. Hindi ko rin napansin na inabutan na pala ako ng gabi dito sa Golgota, pati ang dalawang bata na masayang naglalaro. Kaya't naisipan kong awatin sila sa paglalaro at sinabing umuwi na sila sa kani kanilang bahay.

Nagmadali silang tumakbo palayo sa akin, hindi ko alam ang dahilan kung bakit. Hindi ko pa naman sila pinapagalitan sa kanilang paglalaro. Agad din akong napatakbo upang sundan sila ngunit ako'y nagimbal sa aking nakita. Hindi pa gaanong madilim kaya't nasaksihan ko ang isang pangyayari na hinding hindi ko malilimutan. Tandang tanda ko pa ang malaking puno ng acacia sa gawing hilaga nang biglang may lumabas na kakaibang pangitain na ang dulot ay kahintakutan. Narinig kong humihingi sila ng tulong sa akin habang hinahabol ng isang di mawaring nilalang sa kakahuyan. Sa tulong ng kaunting liwanag ng hawak kong flash light nakita ko ang kanyang anyo. Isang matandang babae ang tumambal sa akin. Tinitigan niya ako ng malagkit na tingin. Nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata na kinulubot ng tadhana ang kanyang anyo. Lalo akong sinidlan ng takot ng siya'y unti-unting lumapit sa akin. Gusto kong tumakbo sa mga oras na iyon pero di ko maigalaw ang aking mga paa. Nang ako'y lumingon huli kong natanaw ang dalawang bata na kumakaripas ng takbo papalayo dahil sa takot. At ng ibalik ko ang direksiyon ng aking mata, ako'y namutla sa aking nakita. Nasa harapan ko na ang matandang babae na nadadamtan ng itim na balabal. Pinagpawisan ako ng malapot sa kaba at kakot. Dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang mukha sa akin at ako'y napasigaw sa takot. Pakiramdam ko'y narinig sa buong kanayunan ang sigaw kong iyon. At ako'y nahimasmasan sa aking pagkaka-idlip.

"Hay....(buntong hininga) panaginip, ang sama naman yon, inabutan na pala ako ng takipsilim dito, buti pa makauwi na nga sa bayan."

Marahan akong tumayo. Kinapa ko ang dala kong flash light at agad binuksan upang magturo ng giya ng aking daraanan. Nakaramdam ako ng kakaiba habang ako'y naglalakad. Umihip ng bahagya ang malamig na hangin. Nagsimulang sumayaw ang nagtataasang mga talahib sa aking paligid. Kinakawayan na rin ako ng mga naglalakihang mga sanga ng mga punong kahoy na nagmamasid sa akin. Lubhang masukal ang daan, kasalo ko pa ang ka'y dilim na gabi. Mahalumigmig ang buong paligid. Naramdaman ko ang mga di pangkaraniwang kaluskos sa aking likuran. Naging mapagsuri ako, sinimulan kong makiramdam sa buong paligid habang lumalakad sa ibabaw ng mga puntod. Di ko akalaing makakabalik pa ako sa lumang sementeryo dito sa gitna ng kakahuyan, na ang bawat mga puntod ay nililigawan na nang mga damong ligaw.

"Pssssssssssst..................."

Isang tinig ang aking narinig na hindi ko alam kong saan nanggaling. Napahinto ako ng sandali na waring binahiran ng kaunting takot, iginala ko ang aking mga mata kasunod ang liwanag ng dala kong flashlight. Muli pa'y nagpatuloy ako sa paglalakad na binalewala ang narinig.

"Psssssssssssst................."

Muli kong narinig ang tinig na iyon sa ikalawang pagkakataon mula sa aking likuran na para bagang mayroong sumusunod. At sa pag-lingat ng aking mga mata'y muli kong nakita ang nakakatakot na anyo ng misteryosong babae sa Gotgota na sumusunod sa akin. Tulad ng nakita ko kanina sa panaginip, nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata na nakalutang sa hangin habang ako'y sinusundan. Winawasiwas ng malakas na hangin ang kanyang mahabang buhok na lalong sumisindak sa aking pagkatao. Napatakbo ako sa takot, ni hindi ko na alam kung saan susuling. Hindi ko na rin alam kung saan ang daan pabalik ng nayon basta't ang nasaisip ko ay makalayo sa Gotgota. Sa aking pagmamadali, di sinasadyang natalisod ako sa isang matulis na bato. Nadama ko ang unti-unting pagdaloy ng dugo sa aking noo na siyang dahilan upang ako'y manghina. Hindi ko magawang tumayo sa sobrang sakit sa aking pagkakadupilas. Nanginginig ako sa takot sa sandaling iyon. Pinilit kong tumayo pero bigo ako, iniusad ko na lamang ang aking mga paa upang kumubli sa isang puno. Ngunit tulad ng inaasahan nakita ko ang misteryosong matanda na papalapit na para bagang galit na galit sa akin. Tanging ang kanyang nakakatakot na mukha lamang ang nakalitaw sa gitna ng napakadilim na kakahuyan. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Nakikipag habulan ang aking hininga sa takot. Marahan siyang nagtungo sa aking kinalalagyan. Maya maya'y naupo siya sa harap ko, doon ko nakita ng mukhaan ang kanyang kagitla gitlang anyo nang inilapit niya ang kanyang mukha sa akin at.....

"Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaahhhhhhhh"

"Hoy, John, gising." wika ni Princess.

"Ahhhhhhhh, panaginip ulit."

"Akala ko di ka pa magigising, sasampalin na sana kita, bakit ? ano bang panaginip mo?

"Wala, salamat ha."(habang hinihingal sa pagsasalita)

"Nakatulog ka pala, tapos na po ang vacant time natin. Magsisimula na ang klase natin sa Rizal"

"O’ sige susunod na ako, maghihilamos lang sa comfort room "

"Hindi, hihintayin na kita baka makatulog ka na naman, hehehe" pabirong wika ni Princess.

Labis akong pinag-isip ng aking panaginip. Ni wala akong naintindihan sa buong klase sa araw na iyon. Pilit na gumuguhit sa aking isipan ang nakakatakot na anyo ng matanda sa aking mga panaginip. Maglalabing limang taon na pala ako dito sa Maynila. Doon sumagi sa isip ko ang Baryo ng San Juaquin, mula nang manirahan ako sa Maynila wala na rin akong balita kay Obet. Maraming naglarong pangitain sa aking isipan na pilit na naghahanap ng kasagutan ang aking mga tanong. Sino ang misteryosong matandang babae sa sementeryo ng Golgota? May kaugnayan ba siya sa buhay ko? Ano mang pilit ng aking sarili na kalimutan ang aking panaginip ngunit hindi ko magawa. Gusto kong takasan ang bangungot sa likod ng aking pagkatao. Ngunit ang katotohanan ang magdadala sa akin sa katiwasayan.

"Ring...."

Nahawi ang aking imahinasyon ng marinig ko ang hudyat sa aming eskuwelahan tanda na tapos na ang klase sa araw na ito. Balisa pa rin ang aking isipan sa mga nangyari.

"Hoy, lalaki, uuwi na po tayo? Alam mo, kanina pa kita pinagmamasdan, may problema ka ba?"

"Wala, daan muna tayo sa parke bago kita ihatid sa inyo."

“Himala, naisipan mo pang ipasyal ako"

"Tara, may sasabihin ako sayo."

Sa isang parke kami tumuloy. Doon ko sinabi kay Princess ang aking panaginip na labis na nagbigay ng alalahanin sa akin. Nagpasya akong puntahan ang aming probinsya at alamin ang kalagayan ng aking kababatang si Obet. Total mag sesem break naman kaya niyaya ko rin si Princess na samahan ako. Hindi naman siya nagdalawang isip, alam kong sa lahat ng lakad ko at desisyon ay lagi ko siyang kasama. Nananabik na akong dumating ang huling araw ng aming klase. Madaling lumipas ang buwan ng Septembre at dumating na rin ang araw ng aming pag-alis. Nakapag impaki na kami ni Princess ng mga gamit na gagamitin namin sa loob ng isang linggo. Tinangka pa nga ni tiyo Samuel na pigilan akong umuwi ng probinsya ngunit wala rin siyang nagawa. Laging ipinagbibilin ni tiyo Samuel na mag-ingat kami sa aming paglalakbay. Halos aabutin lang ng isang araw ang aming biyahe sa dagat kaya labis akong nananabik na muling masilayan ang aking bayan. Hindi na ako pinatulog ng aking kasabikan.

Umaga, mabilis kaming bumaba ng barko. Sa wakas narating ko na ang aking baryo. Agad kaming naghanap ng bus patungo sa Baryo ng San Juaquin. Hindi naman kami nahirapan sa paghahanap. At sa biyahe patungo sa aming baryo, masaya kong ikinukuwento ang aking kabataan kay Princess. Nililibang ko na lamang siya sa pagkukuwento na alam kong pagod na pagod na siya sa biyahe. Hanggang sa di ko na namalayan na nakatulog na siya sa aking balikat. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha at hinayaan ko na lamang siyang makatulog.

"John, John, kumusta na? wika ni Obet habang tumatakbo palapit sa akin.

"Ito maayos naman. Ikaw Obet? (niyakap ako nang mahigpit ng aking kaibigan)

"Roberto, seyempre nagbabago rin ang pangalan (sabay tawa) ikaw nga tinawag kong John, kaya tawagin mo rin ako sa tunay kong pangalan."

"Oo nga pala, O pano mamasyal muna tayo."

"Oo ba, igagala kita, alam kong namimiss mo na ang lugar na ito at sa Golgota kita unang dadalhin."

"Tama, naantala kasi ang paglalaro natin doon, O tara ."

Masaya kaming umakyat sa kakahuyan.Mag aalastres noon ng hapon kaya't mahaba haba ang aming usapan. Binuksan ko sa kanya ang mga tanong na labis na gumimbal sa akin noong una. Inusisa ko siya kung bakit niya ako tinanong na kung may nakita daw ako sa Golgota noong una namin itong matagpuan. Doon ko muli naaninag nang husto ang lumang sementeryo, nakita ko rin ang higanteng patay na balite na nakahandusay sa lupa na siyang nakita ko sa aking unang panaginip. Doon kami naupo ni Obet at isang paksa lamang ang aming napagtuunang talakayin. At iyon ay ang tungkol sa misteryosong babae sa Golgota.

"John, may titingnan lang ako sa kabila nang punong kahoy na iyan."

"Sama na ako Roberto."

"Hindi na, hintayin mo na lang ako riyan."

Nagbalik sa aking alaala ang punong kahoy na itinuro ni Obet sa akin. At doon ko natanto na ang punong kahoy na iyon ay nakita ko rin sa aking ikalawang panaginip. Oo, doon ko nakitang lumabas ang matandang babae nang ako'y kanyang habulin. Sumagi sa isip ko na marahil doon din nakita ni Obet ang babae, hindi ko lang napansin sa dahilang sobrang dilim noong mga oras na yon. Naisipan kong basahin ang mga pangalan sa mga lumang nitso habang naghihintay kay Obet. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim pero hindi pa rin bumabalik si Obet. Halos maubos ko nang basahin ang lahat ng puntod sa Golgota. Magtatatlong oras na akong pagala-gala ng bigla akong kapitan ng takot, na ang takot na iyon ay noon ko pa lamang naranasan. Tinungo ko ang daan sa punong iyon kung saan tumuloy si Obet upang hanapin. Ngunit wala akong nakitang kahit sinong tao. Inisip kong baka pinagtataguan lamang ako ni Obet upang takutin pero mga binata na kami at napakahalay na para sa amin na magtaguan pa.

Sumigaw ako sa gitna ng kakahuyan na binabanggit ang kanyang pangalan, ngunit kahit alingawngaw ng kanyang sagot ay wala akong narinig. Hindi ako tumigil sa paghahanap hangga't hindi ko siya nakikita. Lalo pang umihip ang malakas na hangin. At pumailanglang ang kadiliman sa himpapawid. Dumating ang puntong ni wala na akong makita sa aking paligid. Nakabibingi ang mga ingay ng mga dahon sa puno na waring nagbabadya ng pangamba. Ang pangyayaring ito'y waring nakita ko rin sa aking panaginip noong una. Anupa't bumuhos na bigla ang napakalakas na ulan kasalo nito'y ang nakatutulig na mga kulog. Mahigpit kong hawak ang aking jacket na siyang tangi kong panlaban sa malakas na ulan. Kinapa ko ang aking bulsa upang hanapin ang flash ligth, ngunit hindi ko ito nadala kaya't sa tulong nang panakanakang pagsilip ng kidlat, ang liwanag niya ang nagsilbing giya sa aking dinaraanan. Hinintay kong magpakita ang mga bituin at ang mayuming buwan ngunit bigo ako. Kahit papano'y alam ko pa rin ang daan pabalik ng nayon. Narating ko na ang makitid na tulay sa Golgota tanda na malapit na ako sa nayon. May kahabaan din ang tulay na kung susukatin ay may limampung hakbang bago makatawid. Maingat kong binagtas ang tunay sa dahilang halos dinuduyan ito ng malakas na ihip ng hangin. At sa di kalayuan, sa muli't muling pagkidlat ay may naaninag ako sa dulo ng tulay. Oo, ang kinatatakutan kong babae sa aking mga panaginip ay muli ko na namang nakita.

“Hindi na ito biro” ang naisambit ko sa aking sarili.

Napahinto ako sa aking paglalakad. Nag dalawang isip akong tumawid sa tulay dahil sa takot sa misteryosong matanda na wari bagang hinihintay ako sa aking pagdating. Sa ikalawang pagsilay ng liwanag ng kidlat. Muling nanoot sa akin ang takot ng ito'y nakatitig sa akin, walang akong magawa, ito lang ang tanging daan patungo sa bayan. Sumagi rin sa isip ko na magbalik sa kakahuyan ngunit lubhang mapanganib dahil masungit ng panahon. Inisip ko ring magtago sa mga puno pero tiyak na makikita niya rin ako. Hinintay kong sumilip muli ang liwanag ng kidlat upang tiyakin kong totoo na ang aking nakikita o baka naman guniguni ko lamang. Sa pagkakataong iyon waring hindi nagbibiro ang katotohanan. Pagsipat ng ikatlong liwanag ng kidlat, tunay na naroon siya. Nag-iwan ako ng isang malalim na buntong hininga at maya maya'y marahang umusad ang aking mga paa patungo sa kanyang kinalalagyan.

"Bahala na.” ang bulong ko sa sarili habang inihahanda ko ang aking diwa sa maaaring mangyari.

Humigpit na rin ang pagkakakumo ng aking dalawang kamao na hindi nalalaman kung anong magagawa ng aking lakas. Tibay ng loob ang aking naging sandata. May sampung hakbang na lamang ang nalalabi, waring napakabigat ng aking mga paa sa paghakbang pero pinilit kong humarap sa gitna ng takot. Pitong hakbang...anim... lima ...apat...tatlo....dalawa at isa. Oo halos ang aming mga balikat na lamang ang aming naging pagitan. Katabi ko na ang kinatatakutan kong babae sa Golgota. Hindi ko maipaliwanag ang mga pangyayari, gusto ko nang kumaripas ng takbo, sumigaw pero hindi ko magawa .May kung anong kapangyarihan ang pumigil sa akin sa pagtakbo at sa pagsigaw. Para bang napipi at nalumpo ako sa pagkakataong katabi ko ang matanda babae. Ayaw kong siya'y tingnan man lamang, ngunit iyon lang ang aking magagawa ang isulyap ng aking mga munting mata sa paligid. Maging ang aking mga kamay ay di ko maikilos. Nagsimulang tumulo ang aking pawis sa aking mukha. Sobrang takot at di mabilang na kalabog sa dibdib ang aking naranasan. Nakikiramdam ako sa mga posibling mangyari. Nagsawalang kibo ako at halos umabot ng dalawang minuto na katabi siya. Ilang saglit pa ang lumipas, naramdaman kong humakbang siya ng isang hakbang patalikod na sapat na upang makita ko muli siya ng harapan. Nakatungo ako noon dahilan sa takot. Naglakas loob akong iangat ang aking mukha na lalong humigpit ang pagkakakumo ng aking mga kamao. Kasalo ang malakas na buhos ng ulan at mabalasik na hangin, ang nakabibinging mga kulog at ang napakatalim na ulos ng kidlat. Sa ikatlong pagkakataon ay nakita ko muli ang kanyang kagilagilalas na anyo. Narinig kong lumabas sa kanyang labi ang salita na labis na nagpahina ng aking katawan.

"Ikaw..."

"O’ gising na iyong mga bababa sa baryo San Juaquin, nasa San Juaquin na tayo."wika ng konduktor.

"Haahh, panaginip muli.(buntong hininga) lagi na lang akong binabalikan ng bangungot." ang bulong ko sa sarili.

"Princess, gising na. Narito na tayo."

"Ganon ba, ang haba ng tulog ko."

“Oo nga, halika na, baba na tayo."

Agad namang napawi ang aking takot ng makita ko ang magandang mukha ni Princess na pumupungas pa sa kanyang pagkakaidlip. Hindi kalayuan sa aming binabaan, agad kaming sinalubong ng aking mga kamag-anak. Halos nakatingin sa amin ang aking mga kanayon habang papalapit kami sa aming bahay. Nagulat pa nga ang aking mga magulang ng bigla akong dumating na wala man lamang pasabi.

"Itay, inay, mano po (tanda ng paggalang) si Princess po kasama ko.

"Magandang umaga po sa inyo." wika ni Princess.

"Ang dalaga ng magiging manugang ko. Tuloy kayo, kumain na ba kayo.?(nag-aalalang wika ni inay)

"Wala ka man lang pasabi na pupunta ka dito, dapat nasundo ka namin." wika ni itay.

"Si inay naman. Hindi pa po kami kumakain, wala po yon itay, gusto ko nga po talaga kayong masurpresa, si Obet po, kumusta napo siya? "

"Si Obet kamo yung lagi mong kalaro, matagal na siyang patay. Isang linggo makaraan na ikaw'y umalis namatay na siya."pagmamadaling sabi ni inay.

"Ha.(nagulat ako sa aking narinig) Saan po siya inilibing?"

Natahimik sila sa tanong ko na parang ayaw ipaalam sa akin ang dako na kanyang pinaglibingan. Sa halip pilit na binago ni inay ang aming usapan. Kinumusta niya ang aking pagaaral, pati ang tungkol sa amin ni Princess ay inusisa ng aking mga magulang. Ngunit kapag patungkol na kay Obet ayaw na nilang buksan ang usapan, para sa kanila ito'y isang wakas na kabanata ng isang aklat na hindi na dapat pang balikan. Matapos kaming kumain, niyaya ko si Princess na mamasyal at ipakilala sa aking mga kamag-anak. Una kong nakita si tandang Ambo na naghahasa ng kanyang kinakalawang na itak. Tulad ng dati, mahilig kong makita si tandang Ambo na nag iisa. Kung sabagay wala naman siyang mga anak at matagal ng patay ang kanyang minamahal na asawa.

"Mang Ambo, mang Ambo, kumusta na po? (habang kami'y papalapit sa kanyang kinauupuan.)

"Sino ka ba iho."(usisa niya sa akin)

"Si Junior po. Anak ni ka Cesar at Aling Lourdes."

O Junior, kailan ka pa dumating, aba't ang ganda niyang kasama mo."

"Mang Ambo naman, si Princess po kaibigan ko."

"Magandang umaga po." wika ni Princess sabay ang pagsiko sa aking sikmura.

"Upo kayo, bakit bigla kang napasugod, tapos ka na bang mag-aral.?"

"Isang sem na lang po at makakatapos na. Eh mang Ambo may problema ako kaya napasugod ako rito at gusto kong dalawin si Obet. Saan po ba siya iniling eh ayaw sabihin ni itay at inay?

Tinitigan ako ni tandang Ambo at napahinto sa kanyang paghahasa. Nagsimula siyang magkuwento nang mga panahon wala ako sa bayan ng San Juaquin. Matagal na rin palang patay si Obet. Isang linggo matapos akong umalis sa aming baryo agad na namatay ang aking kaibigan sa tindi ng kombulsiyon. Nalungkot ako sa aking narinig sa pagsasalaysay ng matanda. Naalala ko pa dati, na sa tuwing umaga’y lagi kaming nakikipagkwentuhan sa kanya. Napakasarap n’ya kasing magkuwento lalo na kapag sinasalaysay niya ang kanyang kabataan. Lagi n’ya rin kaming pinapaalalahanan na maging mabuti anak sa aming mga magulang. Kaya’t di katakataka na napalapit kami ni Obet sa kanya at ngayon sa alaala ko na lamang babalikan ang lahat. Kaya’t naglakas loob akong sabihin sa kanya ang dahilan ng aking pagbalik sa nayon.

“Mang Ambo, naalala pa po ba ninyo nang minsan ay inabot kami ni Obet sa daan sa paglalaro sa kakahuyan. Naalala ko pa nga ang naging reaksiyon niya ng sabihin ko na galing kami doon sa sementeryo.”

“Oo hinding hindi ko nga malilimutan iyon.” wika niya habang abala muli sa kanyang paghahasa ng itak.

“May kinalaman po kasi iyon sa problema ko.”

Marahang huminto si mang Ambo sa kanyang ginagawa at humarap sa akin.

“Sige sabihin mo sa akin ang iyong panaginip.”

“Bakit alam po ninyo na ang problema ko ay tungkol sa panaginip.”

“Hinihintay ko talaga na sabihin mo iyan, sayang nga at hindi na sa akin nasabi ni Obet ang kanyang nakita sa Gotgota. Mapalad ka nga dahil sa panaginip mo lang siya nakikita.”

Hinawakan ako ni Princess sa braso tanda na siya’y natatakot. Nagsimula akong magkuwento kay mang Ambo. Kung papaanong paulit ulit kong nakikita sa aking mga panaginip ang misteryosong matandang babae sa lumang sementeryo. Isa-isa namang sinagot niya ang aking mga panaginip.

“Ang dalawang bata na nakita mo sa iyong unang panaginip ay kayo rin ni Obet. At isa sa inyo ang unang mamamatay sa kung anong dahilan ay hindi ko alam. At kay Obet nga naganap ang kapalarang iyon. Marahil siya ang unang nakakita noon sa matandang babae sa Gotgota.

“ Sa iyong ikalawang panaginip, nakita mong pilit kang hinahabol ng babaeng yon. Nagpapakita lang na kahit na nasa malayo ka babalikan ka ng iyong kahapon hangga’t hindi mo ito hinaharap. Ilayo ka man ng iyong mga magulang, ngunit alam kong alam nila na babalik ka rito at ngayon ang araw na iyong haharapin ang sigwa ng iyong kahapon.”

“At sa ikatlong panaginip, dapat magkasama kayo ni Obet sa muling pagbabalik sa Golgota, pero wala na siya. Siguro ang dalagang katabi mo ang iyong makakatulong sa pagkakataong ito at sa tulay ng kamatayan, matatapos ang lahat na hindi mo nakita sa yong panaginip. Alam mo paulit-ulit kong hinahasa ang itak na ito para magamit sa takdang panahon. At ikaw ang karapat-dapat na gumamit nito kaya heto tanggapin mo. Makakatulong iyan sa iyo. Mamayang gabi, puntahan mo na siya, matagal ka na niyang hinihintay upang putulin ang bangungot ng kahapon.” (inabot nya ang itak sa akin at tinanaw ang dakong kakahuyan)

Hindi naman ako nagdalawang isip na tanggapin ang kanyang ibinibigay. Nagliwanag ng bahagya ang magulo kong isipan ng sandaling iyon. Isang di pangkaraniwang bagay na mahirap paniwalaan na ang akala ko’y sa pelikula ko lang napapanood at sa komiks ko lang nababasa. Alam kong hindi na ako nananaginip sa mga oras na iyon. At sa ayaw ko’t sa hindi dapat kong sundin si mang Ambo upang wakasan ang masalimuot na bagay na ewan ko kung ako’y magtatagumpay.

“Junior, ang matandang babae na nakita ni Obet sa kakahuyan at ang babaeng nakikita mo sa iyong panaginip ay iisa lamang , siya si Mizpa ang aking nasirang asawa.”

“Ha, bakit.?”(nagkatinginan na lamang kami ni Princess.)

Ibinaling muli ni mang Ambo ang kanyang tingin sa amin at muli pa’y naup .

“Mahal na mahal ko si Mizpa.” wika niya.

Pero sa hindi inaasahang pangyayari, pinawian siya ng buhay matapos mailuwal ang aming anak na sa kalauna’y pumanaw din may apat na pu’t limang taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung bakit sya pa ang tanging babae na ngayo’y kinatatakutan sa ating Baryo. Bilang nakatatanda sa baryong ito, ipinagbawal naming ang papunta sa Golgota. Iyon marahil ang dahilan kung bakit namatay si Obet. Ang sinumang nakakakita kay Mizpa ay pinapawian ng buhay dahil sa takot at maging sa panaginip ay maaaring siyang magkita. Isa lang ang aking natitiyak, kailangan mo nang tapusin ang kanyang ilusyon at mamayang gabi mo ito sisimulan.

“Paalam Junior.” biglang tumalikod si mang Ambo at naglakad palayo sa amin.

Mahirap paniwalaan ang lihim na aking natuklasan nang gabing iyon. Pero sa pagkakataong iyon kailangan kung subukan ang isang hamon ng tadhana. Hindi na ako nag aksaya ng panahon, agad naming tinahak ni Princess ang masiit na kakahuyan. May pangambang namutawi sa aming kalooban, halata kong natatakot si Princess pero pilit niya itong nilalabanan. Iyon ang nagustuhan ko sa kanya, na handang harapin ang hamon ng buhay. Wari bagang nagbibigay pa ng lakas ng loob ang matatamis na mga ngiti ng aking mga kanayon habang sila’y aming nasasalubong. Marahil alam nila ang pakay naming sa gabing iyon. Sa aming paglalakad sa gitna ng kagubatan na ang tanging gabay ay ang liwanag muli ng flash light na hawak ni Princess. Lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa kanyang kaliwang kamay habang kami’y papalapit sa Gotgota. Inaasahan ko na, na bubugso ang mabagsik na hangin sa kagubatan, ang nakayayanig na mga kulog sa kalangitan, ang naglalakasang buhos ng ulan at ang hagupit ng kidlat na mula sa kung saan na ang mga ito’y malabis na nagpahina ng aking kalooban sa aking mga panaginip. Ngunit ang lahat ng iyon ay hindi ko nasilayan. Malumanay ang mga ihip ng hangin, masagimsim ang buong paligid. Tahimik kong pinakikiramdaman ang bawat kaluskos mula sa kung saan. Walang ingay ang bawat puno na ang tanging ginagawa’y magmasid lamang sa amin. Nakita ko ang kaunting liwanag ng buwan na sapat na upang magbigay ng kaunting pag-asa sa aming paglalakbay. May gabay kami sa aming pagtungo sa kawalan, ang kanyang liwanag. Kakaiba ang gabing iyon, na hindi ko man lamang nakita sa tatlo kong panaginip. Pakiramdam ko’y payapa kaming bumabagtas sa Golgota, ngunit hindi ko maitatago na mayroong pa ring kaba sa aking dibdib.

“Aray.” nang matalisod si Princess sa isang lumang nitso.

“O ano, nasugatan kaba?”usisa ko sa kanya.

“Galos lang ito.”habang hinihipan ko ang kanyang tuhod.

“ Tara na, nasa Golgota na nga tayo.”

Unang naming tinungo ang higanteng puno ng Acacia na nakita ko na sa aking unang panaginip. Sapagka’t sa punong iyon unang nagpakita si Mizpa sa akin. Habang tumatahak sa ibabaw ng mga lumang puntod na syang tanging daan. Maya maya’y nakita na naming ang higanteng patay na baliteng nakahandusay sa lupa. Dito ako noon nakaupo habang nag-iisip sa aking kabataan, dito rin kami nagpahinga ni Obet sa ikatlong kong panaginip at sa lugar ding iyon, nakita ko ang dalawang lalaki na masayang naglalaro nang ang mga iyon ay kami ring dalawa ni Obet.

“Ayon John, iyon ang puno ng Acacia diba?”

Napalingon ako sa dakong itinuro ni Princess.

“Oo, tama, tara puntahan natin”

Marahan naming tinungo ang punong iyon na may pag iingat, handa na ako sa lahat ng maaaring mangyari na lalo pang humigpit ang pagkakahawak sa itak na ibinigay sa akin ni mang Ambo at sa kamay ni Prncess. Iginala niya ang liwanag ng flashlight sa kabuuan ng Acacia. Ngunit bigo kami, wala kaming nakita.Tulad ng huli kong panaginip, dito ko hinanap si Obet ng hindi na siya bumalik sa aming tagpuan.

“ Doon tayo sa tulay.” wika ko.

Naging sunud-sunuran sa akin si Princess, mainiping tao siya, may pagka suplada pero ibang Princess ang kasama ko. Napansin ko sa kanya na kahit pagod na siyang maglakad naroroon pa rin ang kanyang kopyansa sa sarili. Lalo siyang naging malambing sa akin at naging maaalalahanin sa bawat sandali. Alam kong hindi niya ako iiwan sa gitna ng aking laban, laging handa siya na ako’y tulungan sa abot ng kanyang makakaya. Natanaw ko na ang dulo ng tulay, may ilang hakbang pa’y nasa kabilang dulo na kami. Mainam naming pinagmasdan ang pambihirang pagkakayari ng tulay na iyon. Doon ko nakita ang tunay na anyo ng tulay na yari sa makakapal na baging mula sa kagubatan. Makikita na may katandaan na rin ang tulay na ito na payapang nakikiramdam kong sinong dadaan sa kanya.

“Mula ng namatay si Mizpa hindi na siguro sila dumaan dito, ano sa palagay mo John?”

“Marahil tama ka. Upo muna tayo.”

“Bakit, hindi ba tayo tatawid?”

“Hindi, hihintayin na lang natin siyang magpakita.”

Naupo kami sandali, itinabi ko muna ang hawak kong itak sa bato malapit sa amin. Nagsimulang naglayag ang mga alalahanin ng kahapon sa aking isipan. Gumuhit sa aking alaala si Obet, kung buhay sana siya tatlo kaming haharap kay Mizpa. Sumandal sa aking balikat si Princess, hinubad ko ang aking jacket at ipinasuot sa kanya. Tinitigan ko muli ang kanyang maamong mukha, napansin ko na gusto nang umidlip ng kanyang mga mata.

“Salamat ha.”

“Salamat saan?”

“Dahil sinamahan mo ako rito.”

“Wala iyon, syempre kung saan ka naroon asahan mong naroroon din ako para sayo.” (habang nilalaro ang liwanag ng flashlight)

Wala akong maiganti sa kanya kundi ang isang makahulugang halik sa pisngi. May kalahating oras na rin kaming nakaupo sa isang dako ng dulo ng tulay. Naghihintay sa di naming inaasahan kung darating. Yakap yakap ko si Princess habang nag-iisip sa mga nangyari. Habang abala pa rin si Princess na nilalaro ang liwanag ng flashlight. Sa kanyang paglalaro nadaanan ng liwanag ang kapirasong bahagi ng tulay. Inusbungan ako ng di maipaliwanag na kaba, di ko pinansin iyon marahil dala lang ng aking antok. Sinilip ko ang aking relo, magaala una na pala ng hating gabi. Sa ikalawang pagdaan ng liwanag ay nakita ko na ang kanyang anyo na papalapit sa amin. Inagaw ko kay Princess ang flashlight at napatayo. Itinutok ko ang liwanag sa dakong dulo ng tulay. Sinundan ako ni Princess upang tingnan ang aking tinatanaw. Doon muli sumambulat ang nakakatakot na mukha na sa guniguni ay ayaw ko nang makita pa. Napasigaw si Princess sa takot habang lumalapit sa aming kinaroroonan. At sa sobrang takot niya sa kanyang nakita siya’y nawalan ng malay. Agad kong siyang sinalo at ikinubli sa mainam na dako. At sa muling pagsilay ko sa tulay ay lalong bumilis ang kalabog sa aking dibdib ng siya’y unti-unting lumalapit sa akin. Sumagi sa isip ko ang sinabi ni mang Ambo.

“Ngayong gabi hinihintay ka niya at ngayong gabi mo puputulin ang bangungot ng iyong kahapon.”

“Tama ang itak.”

Hinanap ko ang itak na ibinigay sa akin ni mang Ambo. Mabilis kong tinungo ang kabilang dulo ng tulay at sinimulang hampasin ang makapal na baging na nag-uugnay sa magkabilang dulo ng tulay. Hindi ko tinigilan ang paghampas hangga’t hindi napuputol ang makakapal na baging. Muling pinagpawisan ako na lalong nadagdagan ang takot nang mapansin kong may halos sampung hakbang na lang ang aming pagitan. Kung sa aking panaginip ay nakita ko ang kanyang kakila kilabot na anyo, pero sa puntong ito mas higit na nakakatakot ang kanyang hitsura. Nayayanig ang tulay sa bawat pagdaiti ng matalas na itak sa pundasyon ng tulay. Oo, anim na hakbang na lamang ang aming pagitan. Siguro ito na ang huli kong pagkakataon na makita ang kanyang anyo ng malapitan. Di ko maipaliwanag ang nadarama kong takot. Binalak kong ihinto ang pagputol sa pundasyon ng tulay at tumakbo na lamang pero hindi maaari. Kailangan kong harapin ang katotohanan ng isang bangungot ng kahapon.

“Limang hakbang”

Apat hakbang”

Tatlong hakbang”

Dalawang hakbang.”

Ako’y napasigaw ng malakas at s’ya ring huling hampas ko sa baging na s’yang haligi ng aking kinatatakutan. Napapikit na lamang ako sa takot. Itinigil ko na ang paghampas sa tulay na baging at nakiramdam na lamang nang walang nakikita. Naririnig ko ang isang langingit na waring may isang malaking bagay na nahuhulog. Dahan dahan kong iminulat ang aking mga mata, at doo’y nakita kong napatid ang tulay na kasamang bumagsak ang babaing kinatatakutan ng aking imahinasyon. Nakahinga ako ng malalim na pawisan ang buo kong katawan at waring hingal na hingal sa nagyari. Iginala ko ang aking mga mata at naiusal kong bigla.

“Sa wakas natapos ko na.”

Kasama ng pagguho ng tulay sa kawalan ay ang pagguho rin ng aking kinatatakutang bangungot, ipinukol ko na lamang sa kawala ang hawak kong itak. Agad kong hinanap ang kinaroroonan ni Princess upang yayaing umuwi at sabihing natapos ko na ang misyon ko sa gabing iyon. Di ko sinasadyang mapatingin ako sa isang matayog na punong kahoy at sa ibaba niyao’y nahiwagaan ako sa aking napansin. Dinala ako ng aking mga paa sa dakong iyon upang usisain ang nakatagong hiwaga. Sa tulong ng dala naming flashlight nakita ko ang isang kalansay na nakasandal sa punong kahoy. Muling nagbalik sa aking gunita ang ikalawa kong panaginip. Tama sa punong ito, ako’y napahandusay ng natalisod ako sa isang bato habang hinahabol ng misteryosong babae sa kakahuyan. Ganitong ganito ang ayos ko ng ako’y lapitan ni Mizpa sa aking panaginip. Ngunit ang namuong malaking katanungan na naglaro sa aking isipan ay kung sino ang taong ito na pinatay ni Mizpa sa takot. Maya maya’y may tinig akong narinigbuhat sa aking likuran.

“Psssssssssst. ”

Napalingon agad ako sa aking narinig at ako’y nabigla sa aking nakita. May nasilayan akong isang babaing nakaputi na waring nakalutang sa hangin na may limang dipa ang layo mula sa akin. Inusisa ko ang kanyang mukha habang unti-unti niyang iniaangat ang kanyang ulo. Napansin kong may dumaloy na dugo sa kanyang maamong mukha. Napapikit ako sa pag-aakala na ilusyon lamang ang aking nakikita. At nang ako’y muling dumilat hindi siya naalis sa aking paningin at marahan kong nasabi sa aking sarili .

“Pri…Princess.”

Wakas

Larawang Iniukit sa Puso (Maikling Kuwento)

Rey Tamayo Jr.

Bakas sa mukha ni Samuel ang pagiging balisa habang nag-aalumpihit sa mabilis na paglalakad patungo sa baryo Pulag. Maya’t maya ang paglingon sa kanyang likuran upang tiyakin na walang taong nakasunod sa kanyang paglalakad. Halos matalisod na siya sa pagmamadali sa mga nagkalat na malalaking ugat sa kanyang dinadaanan. Pumanglaw na rin ang sikat ng araw na kanina lamang ay anong kay tinding init na labis na kumitil ng kanyang lakas. Hindi pa rin siya nilulubayan ng mala butil ng monggo ng pawis sa kanyang mukha.

Panandaliang sinandal ang kanyang likod sa isang patay na puno ng Balite sa tindi ng pagod. Ilang saglit pa’y napadausdos ang kanyang buong katawan at napaupo sa nakausling ugat ng balite. Dali dali niyang nilagok ang natitirang baong tubig mula sa kanyang dala dalang back bag. Nakaramdam siya ng kaunting ginhawa ng madaanan ng tubig ang kanyang tuyong lalamunan matapos ang halos makalagot hininga sa pagmamadali upang makarating sa takdang oras sa lugar ng tipanan. Mabilis niyang dinukot mula sa kaliwang bahagi ng bulsa ng kanyang pantalon ang halos kupas ng mapa na naging giya niya sa paglalakbay. Ngumiti ng bahagya ang kanyang labi sabay ang pagsulyap sa kanyang relo.

“ Mag-aalas singko na ng hapon, tamang tama narito na ako sa lugar kung saan makikipagkita si Bruno” bulong niya sa sarili.

Nakaidlip si Samuel sa tindi ng pagod. May halos dalawampung minuto rin siyang walang malay tao bago siya bulabugin ng dalawang kalalakihang armado ng baril.

“ Hoy, gising! Anong pangalan mo?” tanong ng isang binatilyong may hawak ng armallite habang nakatutok ang baril sa mukha ni Samuel.

“Samuel,Samuel ang pangalan ko.” bigla niyang naisagot ng siya’y maalimpungatan.

“Wala ka bang kasama?” tanong ng isa pang nakaunipormeng pangsundalo ngunit halatang menor de edad ang anyo nito.

“Wala, wala akong kasama.” sunod niyang naisagot.

“Sige, tumayo ka, kanina ka pa hinihintay ni kumander”

Piniringan nila ang mga mata ni Samuel habang ginapos naman ang kanyang mga kamay. Nakikiramdam siya sa mga maaaring mangyari habang ginigiya sa paglalakad patungo sa kanilang kampo. Lumipas ang sampung minutong paglalakad, nakarinig siya ng kakaibang ingay buhat sa isang grupo ng mga kalalakihan na animo’y nagsasanay bumaril na di kalayuan sa kanyang kinalalagyan. Ipinasok siya sa isang tolda, matapos siyang paupuin ay agad namang tinanggal ang piring sa kanyang mga mata at kinalas ang pagkakagapos sa kanyang kamay. Nang makalagan nila si Samuel, kaagad na lumabas ng tolda ang dalawang binatilyo. Hinanap niya agad ang dalang kamera upang usisain ang dalang gamit.

“Kumusta ka na, kaibigan?” tinig ng isang matipunong lalaki.

Pamilyar ang boses na iyon kay Samuel, dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang ulo at minsang pang nakita muli ang matagal ng nawaglit na kaibigan na mula pagkabata’y kasa kasama na niya. Mabilis na pinitik ni Samuel ang gatilyo ng kanyang kamera at isang larawan ang muling nabuo na matagal nang napanas ng panahon.

“ Hindi ka pa rin nagbabago, Samuel. Mabilis ka pa ring pumitik ng kamera.” habang ngumingising lumapit kay Samuel at inabutan ng isang basong mainit na kape saka naupong kaharap niya.

“Salamat, Bruno. Kumusta ka na?” sabay higop ng mainit na kape.

“Pasensiya ka na at kape lang ang maibibigay ko saiyo, hindi tulad sa patag kahit ano pwede mong inumin at kainin.. Ito buhay pa naman at patuloy pa rin sa pakikipaglaban.”

“Ano pa ba ang inyong ipinaglalaban”? mabilis na tanong sa kaibigan.

Nanuot sa pandinig ni Samuel ang isang malalim na buntong hininga galing kay Bruno.

“ Tara labas tayo” anyaya ni Bruno.

Muling ikinasa ni Samuel ang kanyang kamera upang muling kumuha ng mga larawan. Habang naglalakad sila sa loob ng kampo, panay naman ang kuha ni Samuel ng mga larawan. Iba’t ibang senario ang nasaksihan ng kanyang antik na kamera na kailanman ay hindi maaaring baguhin ng paningin ng sinuman. Mananatili ang mga larawan upang patunayan sa mga tao ang reyalidad na nagaganap sa ating lipunan na pinatitingkad pa ng sari saring emosyon sa bawat pitik ng gatilyo ng kamera. Biglang natigilan si Samuel nang marinig niya ang makahulugang pangungusap ni Bruno.

“Hindi maaaring itago ng iyong mga obrang larawan ang kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Mahusay kang retratista at premyadong manunulat, taglay mo ang mga katangiang iyan buhat pa noong tayo’y nasa kolehiyo, pitong taon na nakalilipas. Madalas pa nga tayong magkalaban sa finals sa tuwing ang iyong mga panulat at larawan ang siyang natatampok sa isang patimpalak. Minsan panalo ka, talo naman ako. At kung minsan nama’y panalo ako, talo ka. Iyan ang buhay natin, hindi sa lahat ng panahon may ligaya; minsan kinakailangan mo ring magpatulo ng luha. Kaya lang may mga taong ang gusto lamang ay ligaya at ni ayaw makita ang mga luha ng pagsubok. At iyon ang aming ipinaglalaban”

“ Ang pagkakapantay-pantay ba ang ugat at bunga ng inyong pakikibaka.”

“Isa lamang iyon, hangga’t may mga taksil sa soberanya ng ating bayan at hangga’t may mga taong lango sa kapangyarihan, hindi matatapos ang aming pakikipaglaban sa pamamagitan armadong pakikibaka. ”

“Iyan ba ang matuwid na pakikipaglaban? na pati ang mga minor de edad, kababaihan at halos pati mga musmos sa pakikibaka ay idawit sa inyong pag-aaklas”

“Oo, dahil kinakailangan. Ito ang ideyalismong ipinakilala sa amin alang-alang sa isang progresibong pagbabago sa ating bayan at pakikisangkot sa mala piyudalismong lipunan na dapat ay wakasan sa pamamagitan ng armas at prinsipyong magpapalaya sa amin sa kamay ng mga elitistang burgis.”

“Ang akala mo ba’y makakatulong ang armadong pakikibaka na kasangkapan ang mga kabataan sa sinasabi mong pagbabago, na dapat sana’y ang mga kabataang iyan ay nasa mga paaralan upang kumuha ng edukasyon”

“Tama ka, edukasyon, ngunit mananatiling lumpo ang edukasyong iyan hangga’t patuloy na kinakamkam ang aming kaunting karapatan upang matuto ng karunungan, dahil takot silang mabunyag ang kanilang kabulukan sa sandaling matuto kaming lumaban ng talino sa talino. Ang pagbabago ay isang mahabang pakikipagbuno ng mga pananaw at adhikain. Kinakailangang mulat ang mga kabataang ito sa isang waring kanibalismong gawain ng mga taong mapagsamantala sa mga tulad naming pinalaki at inilugmok sa kahirapan. Hindi namin malasahan ang pagkaing iniaalok ng mga nasa tungkulin dahil kaluluwa namin ang uhaw at gutom sa kahirapan.”

“ Kung inapi ka, hayaan mong ang hustisya ang lumitis. Bakit mo ilalagay sa iyong mga kamay ang batas?”

“Hustisya ba kamo?, Bulag na ang hustisya sa ating bayan ngayon. Nakapiring na ang mga mata ng hukom na gahaman sa salapi. Mas matimbang na ang pera kaysa sa tunay na hustisya. Pagod na ang masa sa paghihintay na makamit ang sinasabi mong hustisya. Ang mga walang sala, karamihan nakapiit sa mala impiyernong bartulina samantalang ang mga buwaya’t pugante sa gobyerno na lantarang sumisikil ng aming karapatan, nasaan? Andoon, labas pasok sa kanilang palasyo!”

“ Ngunit hindi lahat ng nasa pamahalaan ay hindi gaya ng iniisip mo”?

“Tama ka, at sumasaludo ako sa mga taong iyon na ewan ko kung nasaan na sila. Nasaan ang matitinong hukom na sinasabi mo, noong hatulan ako ng salang pagpatay na sa hinagap ko’y hindi man lamang sumagi sa isip ko na pumatay ng kapwa. Alam mo iyan. Hindi lang ako ang biktima ng mga huwad na propaganda, marami kami. Ngayon masisisi mo ba kami kung kami’y humawak ng armas upang ituwid ang buktot na sistemang ipinagmamalaki mo. Pagmasdan mo ang nasa iyong paligid, halos lahat ng iyan ay biktima ring tulad ko”

“Pero hanggang kailan kayo gagamit ng armas na ipupuksa n’yo sa inyong kapwa?”

“Hindi ko alam kung kailan matatapos, isa lang ang natitiyak ko. Hangga’t may mga demonyo sa gobyerno, hindi ko bibitawan ang aking armas. Samuel, demonyo lang ang dapat magbayad sa amin ng utang at hindi ang ating kapwa. Kilala ko ang aking kapwa” pagdidiin ni Bruno habang inilalapit ang kanyang mukha sa kaibigan.

Muling narinig ni Samuel ang ikalawang bagting ng buntong hininga galing sa kaibigan. Marahang naglakad palayo na nakatalikod sa kanya. Unti-unting humulagpos ang isang tinig ng paglalambing buhat kay Bruno.

“Marahil pagbaba mo sa patag, pagkakaguluhan ang iyong mga nakuhang larawan dito sa kampo ng mga kapwa mo media, militar, pulisya at maging ng pamahalaan. Pagpipiyestahan ang gagawin mong artikulo tungkol sa akin.”

Bahagyang napatawa si Samuel sa narinig sa kaibigan sabay ang pagkuha ng larawan kay Bruno.

“Alam mo Samuel, malayo na ang narating mo. Isang sikat na manunulat at retratista ang kaharap ko ngayon. Ilang beses ka nang sinabitan ng medalya at tataggap muli ng parangal. Kaisa-isang mediaman na nakatuntong sa kuta ng berdugong si kumander Bruno. Berdugo, masamang tao, kriminal at terorista, iyan ang tingin ng lipunan sa akin sampu ng aking mga kasama.”

“Bakit mo ginagawa ito sa akin, di ka ba natatakot sa maaaring mangyari pagkatapos ng ating pag-uusap?” wika ni Samuel.

“ Hindi, dahil may tiwala ako saiyo. Ikaw ang magbibigay ng makatotohanang impormasyon tungkol sa amin. Ikaw ang magsisilbing tulay upang malaman ng pamahalaan kung ano ang aming ipinaglalaban. Ipabatid sa kanila kung bakit kami nagkaganito, dahil na rin sa kanilang kapabayaan. Titigil lamang kami sa rebolusyunaryong pagkilos kung matitiyak namin na ang hustisya ay para sa lahat ng tao alang alang sa bayan”

Bagama’t mabagsik ang tingin ni Bruno sa mga mata ng kaibigan ngunit napansin ni Samuel sa isang sulok na dako ng kanyang mata’y may nalaglag na luha mula sa isang nagpupuyos na damdamin. Ilang sandali pa’y muling lumapit kay Samuel ang dalawang binatilyong armado ng mga baril ng suminyas si Bruno sa kanila tanda upang muli siyang piringan sa mata at gapusin ang mga kamay. Ngunit natigilan sila ng marinig nila ang isang mahinang tinig na waring nakikiusap.

“Maari ko bang ilibot minsan pa ang aking mga mata sa dakong ito upang kumuha ng mga larawang hindi napapanas na maisisilid sa aking puso upang magsilbing alaala. Upang magsilbing inspirasyon na minsan may isang katotohanan sa tabing ng kawalang malay. At hindi ang larawan na buhat sa kamera na maaaring mabura sa paglipas ng panahon.”

Malaya kang kumuha ng mga tunay na larawan na maaaring iimbak sa bawat puso.”

Iginala ni Samuel ang kanyang mga mata, mula sa dulo, natanaw niya ang mga grupo ng kalalakihan na abala sa pagbabantay sa kanilang kampo; hanggang sa mabalingan niya ang mga patpating mga bata na pinapasuso ng kani-kanilang mga magulang na mababakas sa kanilang mga mukha ang kahirapan ng buhay ngunit walang maatrasan. Sa patuloy na paglibot ng kanyang mga mata’y nadaanan niya ang mga kabataang lalaki at babae na sinasanay upang maihanda ang kanilang sarili sa isang malawakang pakikipagdigma gamit ang sandata. Sa dakong dulo nama’y ang ilang mga ginang na walang tigil sa pagpapaypay ng kakarambot na baga upang lumabas lamang ang kaunting apoy na makapagpapainit ng malabnaw na kape na madalas gawing hapunan sa kanilang kampo.

Huli niyang tiningnan ang kaibigan na di nalalaman kung may darating pang pagkakataon na muli silang magkikita sa susunod na araw, buwan o maging sa darating pang mga taon. Isang bagay ang natitiyak ng magkaibigan, bagama’t magkaiba sila ngayon ng ideyalismo, pananaw at prinsipyo sa buhay. Nananatili ang kanilang pagiging tunay na magkaibigan.

“Bago mo ipagapos ang aking mga kamay, hayaan mong makamayan kita tanda ng ating pagiging magkaibigan.” wika ni Samuel.

“Salamat Samuel, humahanga ako sa iyong determinasyon.”sabay ang pakikipagkamay sa kaibigan.

Matapos ang sandaling pamamaalam, kusang nagpagapos ng kamay at kusang nagpapiring ang kanyang mga mata si Samuel upang hindi niya makita ang daan patungo sa bayan. Nakita niya ang pusikit na dilim ng siya’y piringan sa mata. Ngunit sa kabila ng dilim, may nakita siyang kaunting liwanag at ang liwanag na iyon ang nagsilbing tanglaw sa kanilang pagkakaibigan.

Makalipas ang isang linggo, tinangka ni Samuel na alisin ang piring sa kanyang mata ngunit pinigil siya ng isang nakagigimbal na pangyayari.

“Buti naman Samuel at nagkamalay ka na!” wika ni Dyan na waring nangangamba habang nagsasalita sa kasintahan.

“Dyan, ikaw ba iyan?” tanong ni Samuel sa kasintahan habang pilit na bumabangon mula sa pagkakahiga.

“Oo, ako ito, huwag ka munang bumangon. Sabi ng doktor huwag ka munang kumilos dahil makakasama ito sa kalagayan mo at isa pa sa susunod pang dalawang linggo bago maalis ang piring sa iyong mga mata. Nagkaroon kasi ng impeksyon sa iyong mga mata ng tamaan ka ng granada dun sa kampo ng mga rebelde” paglalahad ni Dyan.

“Bakit, ano ba ang nangyari?” usisa ni Samuel.

“Ganito po, isang linggo na ang nakakalipas ng lusubin ng mga sundalo ang kuta ng mga rebelde sa baryo Pulag. Alam mo ba na maraming namatay na rebelde pati nga yung kumander nila napatay daw ayon sa balita. Ayun po, (Nagkibit balikat at muling nagsalaysay) headline nga sa mga diaryo, t.v., at radio ang balitang iyon; tapos nun syempre pinarangalan si mayor doon sa atin. Siya daw kasi ang itinuturing na bayani kaya nasugpo yung mga rebelde sa lugar natin.” dagdag niya.

“Ganun ba?”

“Oo, hindi ko nga alam na naroon ka pala sa lugar na iyon. Bakit pumunta ka pa doon alam mo naman delikado ang baryong iyon, buti naman at hindi malala yung mga sugat mo. Nag-alala tuloy ako saiyo, wait lang at may kumakatok sa pinto.”

Dali-daling binuksan ni Dyan ang pinto ng kanilang kuwarto upang pagbuksan ang kumakatok. Habang si Samuel nama’y nag-aalala kung ano ang nangyari sa mga kabataan, mga kababaihan at maging sa mga musmos na bata na nakita niya sa kampo ng kanyang kaibigan. Hindi napigilan ni Samuel ang pagtulo ng kaniyang mga luha sa labis na pag-aalala sa kaibigan na minsan isang panahon ay pinagkatiwalaan siya.

“Samuel, kaibigan mo raw, Bruce ang pangalan?”

Sige, papasukin mo.”habang nagtataka kung sino ang misteryosong bisita niya.

“Bruce, wala naman akong kilalang Bruce ang pangalan.” bulong sa sarili.

“Samuel, naiwan mo itong bag mo sa bahay na may lamang kamera. Alam kong malaki ang maitutulong nito upang malaman ng publiko ang isang mukha ng katotohanan. Sige, hindi ako puwedeng magtagal dito sana gumaling ka agad at pati na ang iyong paningin dahil marami ang umaasa sa iyong mga larawan at sa mga gagawing mo pang artikulo, Aalis na ako kaibigan.”

“Teka lang, Brun…Bruce.” paghahabol ni Samuel.

“Ang tinig na iyon, hindi ako maaaring magkamali. Tinig iyon ng kaibigan kong si Bruno. Buhay siya, buhay.” ) bulong muli ni Samuel sa sarili.

Wakas

Natungkab na Pag-asa (Maikling Kuwento)

Rey Tamayo, Jr.

“Walang hiya ka!, dapat kang mabulok sa kulungan! Wala akong kapatid na mamamatay tao!” sigaw ni Alona habang nanggagalaiti sa galit.

Ito ang mga hagkis ng mga salita na labis na nagpaalala sa aking kamusmusan. Tila baga dinala ako ng aking ulirat sa isang kahapong kay hirap kalimutan. Bata pa ako, madalas kong makita si Arlene sa tabi ng poso na walang humpay sa paglalaba. Sa tuwing pumipila ako para umigip ng tubig, lagi siyang naroroon. Halos araw-araw sa aming baryo siya ang bukang-bibig ng mga tao.

“Kung hindi sana nagloko si Tacio, eh hindi sana labandera iyang si Arlene.”

“Tama ka Rosa, mantakin mong labing limang taon lang iyang batang iyan pero iminulat na sa kahirapan, kawawang bata”

“Alam mo ba Petra, magandang bata pa naman si Arlene, dapat sana makapag-aral iyan at pagnakatapos pumasok siyang commercial model.”

“Ewan ko ba kay kumareng Nora, bakit kasi nagpakamatay. Dapat sana’y inaruga nalang niya ang kanyang dalawang anak.”

“Eh itong si Alona, hindi mo maasahan sa gawaing bahay, napakatamad na dalaga.”

“Bukod sa tamad, wala pang galang. Imbes na tulungan ang kapatid niya, heto nakipag live-in lang sa isang adik.”

Humanga ako sa kanyang kasipagan at determinasyon. Sa kabila ng kahirapan sa buhay na kanyang sinasalunga nananatili ang isang pag-asa. Mag aalas onse na ng tanghali noon. Huling pila ko sa poso para mag-igib, mainit ang panahon, nakatirik ang araw. Nakita ko kung papaano tumutulo ang mga namumuong pawis sa kanyang mukha.

“Softdrink ka muna, Arlene.” wika ko sa kanya sabay abot ng softdrinks na nakaplastic at isang pirasong biskuwit.

“Salamat James, kanina pa nga ako nagugutom kaya lang wala pa akong pera, hayaan mo pag-nagbayad si aling Corazon babayaran din kita. Papasok ka na ba sa eskuwelahan?”

“Oo, bale huling pila ko na ito ngayong araw, sige una na ako.”

“Salamat uli sa pagkain, ingat ka.”

“Wala iyon.”

Matapos kong maibigay sa kanya ang pagkain, mabilis akong umalis na bitbit ang dalawang timba bago ako pumasok sa eskuwelahan. Isa si Arlene sa mga kapitbahay namin at kababata ko. Marami akong kalaro sa aming baryo na halos araw-araw kong nakakadaupang palad. Ang baryo Sta. Isabel, ang lugar na hinding hindi ko malilimutan. Mahilig akong maglaro ng basketball kapag may bakanteng oras kasama ang barkada. Kapag dumating na ang hapon, takbo agad kami sa plaza upang maglaro. Doon umiikot ang mundo ko, sa basketball, eskuwelahan, mall at sa bahay.

Minsan sa aming paglalaro nakarinig ako ng isang kakaibang palakpak sa gitna ng karamihan nang maibuslo ko ang bola. Agad kong hinanap ang palakpak na iyon na waring kakaiba sa aking pandinig. Habang tumatakbo ako sa kabilang court, inikot ko ang aking mga mata at sa wakas ang kababata kong si Arlene ang ating nakita na tuwang-tuwang sa panonood sa aming laro. Doon ko unang nakita si Arlene na nanonood sa amin ng basketball at panandaliang nilimot ang kanyang paglalaba.

Dumaan ang halos limang taon, mabilis na lumipas ang panahon na hindi namin napapansin. Magkasabay kaming lumaki ni Arlene sa aming baryo. Halos walang pagbabago sa aming pamumuhay bilang isang dalaga at binata. Nasa high school na ako noon, maalwan kong tinamasa ang aking buhay sa piling ng karangyaan. Samantalang sa isang sulok ng aming baryo, naroon pa rin si Arlene sa tabi ng poso, tulad ng dati patuloy pa rin sa paglalabada.

Malapit ng magtapos ang klase. Napag-alaman kong sa isang tanyag na unibersidad sa Maynila ko tatapusin ang aking pag-aaral, ang maging isang ganap na abogado. Magkahalong saya at lungkot ang aking naramdaman. Masaya dahil sa Maynila ako mag-aaral, tiyak dekalidad ang mga propesor na magtuturo sa akin. Ang hamon ko sa aking sarili, magiging mahusay akong tagapagtanggol ng katuwiran alang-alang sa nakilala kong batas. Binahiran din ako ng lungkot, mahihiwalay ako pansamantala sa aking pamilya. Maiiwan nalang sa aking gunita ang magagandang pangyayaring naganap sa aking kabataan sa aming baryo.

Isang linggo bago ako lumuwas ng Maynila, pilit akong hinihila ng aking mga paa sa pilahan ng poso. Hindi ko alam kong bakit. Ngunit kung tutuusin hindi ko na kailangang pumila para mag-igib ng tubig dahil may sarili na kaming tangke ng tubig. Itinulak akong lumabas at maglakad lakad sa paligid hanggang sa marating ko ang bulwagan ng poso sa aming lugar. Para may napansin akong kakaiba sa aming baryo. Mainam kong pinagmasdan ang buong paligid at tiyak na mami miss ko ang lugar na ito. Ang mga kulitan at basaan ng mga maliliit na bata na masayang naliligo sa poso. Ang hindi mabilang na mga ginang na nagkukuwentuhan habang naglalaba. At ang mga makikisig na lalaki habang nagbobomba ng tubig. Ito ang kadalasang senario na tiyak sa aming lugar lamang makikita. Ang kay tinding sikat ng araw na lalong nagbibigay ng hamon sa kahirapan ng bawat naninirahan sa aming lugar. Matapos kong kong pagmasdan ang buong paligid marahan kong binagtas ang daan pauwi sa amin hanggang sa mapadaan ako sa isang kumpulan ng mga ginang.

“Aling Iska, alam mo bang dalawang linggo nang namamasukan si Arlene sa isang club sa bayan.”

“Ah ganun ba, bakit ngayon mo lang sinabi, huli na tuloy ako sa balita.”

“Alam mo ba, Pining, Yung batugan niyang kapatid na si Alona ang nagpumilit na maipasok sa club ang kawawang si Arlene, eh minor de edad pa yung batang yon.”

“Nangangamba nga ako sa batang iyon, baka mapahamak iyon pag tumagal sa malaswang gawain.”

“Hay naku Loida, sinabi mo pa.”

Muling nagbalik sa aking isipan ang kawawang kalagayan ng aking kababata. Pilit na sumasagi sa aking isipan nang minsang nakasama ko siya sa paglalaro ng patintero. Iyon na marahil ang una’t huling paglalaro naming dalawa. Tuwang tuwa kaming lahat noon. Dahil sa kamusmusan hindi namin alintana ang init ng araw at pagod ng katawan. Nasa kasarapan kami noon ng paglalaro ng biglang dumating ang kanyang ate, si Alona. Walang pakundangan na siya’y sinabunutan at pinagwikaan ng masasakit na salita.

“At sinong nagsabing puwede kang maglaro, hindi ka pa tapos sa paglalaba mo ah, kaya’t sige balik sa trabaho.”

“Sandali na lang po ate, tatapusin ko lang ang paglalaro namin.”

“Aba, aba, sumasagot ka pa, heto ang sa’yo.”

Huli kong nasaksihan noong mga oras na iyon ang pagtilapon ni Arlene sa may putikan nang sumalpok ang kamao ng kanyang ate sa kanyang mukha. Labis akong nalungkot sa aking nasaksihan, marahang dumaloy ang dugo sa kanyang labi. Gusto kong tulungan si Arlene pero wala akong magawa. Sampung taong gulang kami noon. Nang sumunod na araw niyaya namin si Arlene na maglaro muli ng patintero ngunit tumanggi siyang makipaglaro sa amin. Simula noon hindi na namin siya nakasama sa paglalaro. Ang lagi niyang dahilan, maglalaba pa siya.

“Ring….Ring…. “

Ang tunog ng aking cellphone ang naghawi ng aking imahinasyon. Binasa ko ang nakasulat sa text ni itay, pinababalik niya agad ako sa bahay. Napaaga daw ang alis ko patungong Maynila. Pasado ala una na ng hapon, nakatirik ang araw. Pero naririto pa rin ang aking mga kabaryo patuloy sa pag-iigib, patuloy sa pagbobomba ng tubig sa napakahabang pagpila sa natatangi at nag-iisang poso para sa mahihirap. Nag-iwan na lamang ako ng buntong hininga na umaasang sana sa muli kong pagbalik sa kinagisnan kong baryo ay hindi na nag-iisa ang poso. Sana bawat pamilya ay may nakalaang tubig ng pag-asa sa napakatinding kahirapan ng buhay. Nakaagaw pansin ang isang matandang punong mangga sa ating tagiliran. Tinitigan ko ang isang malapit ng matigang na puno, tuyo na halos ang buo niyang katawan at patuloy pang nilalagas ng hagupit ng hangin mula sa timog ang mga nangungunyapit niyang dahon mula sa marupok na sanga na kinasasaligan ng tatag nito. Makailang ulit kong binilang ang bawat nalalaglag na dahon mula sa punong iyon.

“Isa…dalawa…tatlo…apat…lima…anim…pito…walo…siyam…sampu…labing isa…labing dalawa…”

Sa wakas labing dalawang taon ang lumipas, isa na akong ganap na abogado na nakikipagkatuwiranan na sa mga salimuot na argumento upang ipagtanggol kung ano ang tama at katotohanan lalo na sa mga kababayan kong kapos palad na ang tanging pag-asa ay ang tunay na hustisya.

“Objection your honor, ang salarin ang tunay na pumatay sa biktimang si Arnold Torres, ang lehitimong kinakasama ni Alona Santos. Ayon sa nakalap naming mga ebidensiya dakong alas onse ng gabi buwan ng Mayo 10 taong isang libo siyam na raan at siyam na pu’t pito nang maganap ang insedente. NA walang awang pagsasaksakin ni binibining Arlene Santos ang biktima” wika ni Atty. Cruz, abogado ng pamilya Torres.

Narinig ko ang walang tigil na pag-iyak ng aking kliyente. Habang galit na galit naman si Alona sa kabilang hanay ng upunan kasama ang pamilya ng kanyang ka live in. Dama ko ang pighating nararamdaman ni Arlene na ang dapat sana niyang kapiling sa oras ng pagdinig sa kanyang kaso ay ang kanyang nakatatandang kapatid upang kumuha ng lakas ngunit siya’y bigo. Bagkus ang inaakala niyang kakampi sa mga pagkakataong iyon ay siyang pangunahing umuusig sa kanya.

“Atty. Manlapaz, its your turn” wika ng hukom.

Marahan akong tumayo at minsan pang tumingin kay Arlene, na halos kaming dalawa lamang ang nasa kabilang kampo ng court room, samantalang sa kabilang panig ay ang hindi mabilang na taga-usig sa unang kasong aking hinawakan. Matapos kong titigan si Arlene at ipinahiwatig ng aking mga mata sa kanya ang pag-asang “tayo ang mananalo sa kaso”. Minsan ko pang iginala ang aking paningin, nakita ko ang may pitong pulis na nakapaligid sa silid ng hukuman. Ang mga naghihimutok sa galit na kapamilya ni Arnold Torres at ang mataray na mukha ni Alona.

“Ang nasasakdal ay biktima lamang ng panggigipit ng panahon, at masasabing inosente sa paggawa ng masama. Pinilit ng taong nasasakdal na mamuhay ng marangal na kahit ang kaunting kaligayahan ng kabataan ay isinaisantabi. Dapat sana’y sa murang kaisipan ay kapiling niya ang kaligayahan ng paglalaro gaya ng isang ordinaryong bata. Karapatan ng bawat isa sa atin na matugunan ang pangangailangan ng kabataan. Ngunit dahil sa ilang tao, tuluyang sinikil ang karapatang ito. Sa mga panahong iyon minor de edad ang nasasakdal, malinis ang kaisipan at walang bakas ng kasamaan ang kamay ng isang ulirang nagdadalaga. Hindi niya kagustuhan na siya’y mapasama. Marahil pinilit siyang gumawa ng masama na ang kapalit nito’y kaalwanan sa taong pumilit sa kanya. Samantalang pagdurusa naman ang isang tulad niyang naapi ng kawalang malay.”

“Nasa impluwensiya noon ng ipinagbabawal na gamot ang biktima si ginoong Arnold Torres. Kasalukuyan namang wala roon si ginang Alona Santos ang kapatid ng nasasakdal, na siyang dapat sisihin sa pangyayaring iyon. Tinangka gahasain ng biktima ang nasasakdal. Ngunit bawat isa sa atin ay may karapatang dumipensa. Depensa upang malabanan ang kawalang hiyaan ng isang taong hayuk sa laman. Oo, napatay ang biktima sa kanyang kawalang hiyaan. Ngunit ang akusado ay nananatiling walang sala sa pagpatay. Ang krimen ay udyok lamang ng hinihingi ng pagkakataon na maisalba ang kapurihan ng isang babae”

“Pok….Pok…”

Ang tunog ng malyete ang tumapos sa aking pagsasalita. Tanda na tapos na ang panahon ng aking pagpapaliwanag sa pinakahuling hearing ng kasong pagpatay ng aking kababata. Makalipas ang halos tatlumpong minuto. Isa-isa nang nag-alisan ang mga tao sa courtroom at pabaunan kami ng matatalim na tingin ng aming mga tagausig hanggang sa yayain ko si Arlene na umuwi.

“Arlene, ihahatid na kita.”

Wala akong tinig na narinig buhat sa kanya hanggang sa tuluyan kaming sumakay sa aking sasakyan. Habang binabagtas namin ang kahabaan ng high-way naging mapanuri ako sa mga oras na iyon. Naging mapagmasid ako maging sa kanyang mga ikinikilos. Isang oras pa ang lumipas, ngunit wala akong narinig kahit isang tinig buhat sa kanya. Maya-maya’y unti-unting nalaglag ang kanyang mga munting luha mula sa nangangalumatang mga mata. Minsan pang nadama ko ang kanyang kaapihan na ang dulot nito’y mga hitik ng kalumbayan. Naisipan kong dalhin siya sa isang restaurant upang kumain sandali. Ngunit ang totoo’y gusto kong pigilin ang kanyang nararamdamang pighati.

“Halika, kain muna tayo”

Agad naman siyang bumaba ng sasakyan na bahagyan idinampi ang dulo ng panyo sa kanyang mga mata. Ngunit hindi maitatago ang nangangalumata niyang mga mata. Sa tulong ng kaniyang maamong mukha hindi mo iisiping isa siya sa biktima ng karahasan ng isang malupit na tadhana. Sa hapag kainan nagsimula ang lahat, nang marinig ko sa kauna-unahang pagkakataon ang tinig ng pag-uusisa buhat sa kanya.

“James, bakit mo ako tinutulungan.?”

Bahagyang pinigil ng isang alalahanin ang aking pagkain. Para bang huminto ang pag-inog ng mundo sa mga oras na iyon matapos kong marinig ang hagkis ng kanyang mga salita. Marahan kong iniangat ang aking mukha at siya’y tinitigan. Sa ikalawang pagkakataon muling nagpanagpo ang aming mga mata. Naroong pinipilit ng kaniyang maamong mukha na pigilin muli ang kanyang mga luha.

“Gusto kitang tulungan.”

“Alam kong alam mo na wala akong maibabayad na pera saiyo sa lahat ng serbisyo mo sa akin.”

Tuluyan ko ng binitiwan ang hawak kong kutsara’t tinidor at dumampot ng tissue. Nag-isip ako ng isasagot sa kanyang mga tanong, mga sagot na hindi dapat matutulan ng sinoman.

“Sa palagay mo ba kailangan ko ng salapi mo”?

“Hindi, dahil hindi ko kayang ibigay sa’yo iyon”

“Eh di alam mo na ang sagot”

“Katawan ko lang ang kaya kong ipambayad…Ano ba talaga ang layunin mo sa pagtulong sa akin? Mahirap akong tao, pinandidirihan ng marami, kinasusuklaman ng pamilya at walang halaga para makihalubilo sa inyo. Bakit di mo nalang hayaang mabulok ako sa bilangguan.” bahagyang napaiyak sa sinabi.

Naglaan ako ng isang minuto upang sagutin ang kanyang tanong. Pinahupa ko sandali ang kanyang pag-iyak. Hinawakan ko ang kanyang kanang kamay at muling nagsalita.

“Simple lang ang sagot ko saiyo, may prinsipyo ako at ang prisipyong iyon ang tanging bumubuhay sa aking pagkatao.”

“Tama, dapat magkaroon ang isang tao ng prinsipyo. Ikaw, naging kapakipakinabang ba ang sinasabi mong prinsipyo sa akin?”

“Oo, dahil pare-pareho lang tayong may ipinaglalaban.”

“Marahil ikaw mayroon, nakapagtapos ka ng abogasya. Mayroon kang pamilya na handang sumuporta sa lahat ng inaakala mong makakabuti sa iyo. Nasa sa’yo ang lahat ng pagkakataon para magtagumpay sa sinasabi mong pakikipaglaban. Ngunit para sa akin, wala akong makitang dahilan para magtagumpay. Laging bigo, laging talo at tanging ang luha ang kakampi ko sa aking kabiguan.” bahagyang lumakas ang kanyang pag-iyak kesa noong una.

“Tama na Arlene, pagod ka lang.” Pinahupa ko ang kanyang pagtangis.

Doon ko nalaman na gusto niyang makipaglaban sa mga suligi ng buhay ngunit wala lang siyang mahagilap na maipagsasanggalang sa mga suntok ng kabiguan. Kinabukasan, Ikasiyam ng umaga. Maaga kong sinundo si Arlene sa apartment na kanyang tinutuluyan. Sa araw na ito bababaan ng hatol ang aking kababata. Mahigit kalahating oras din akong naghintay sa gate ng nasabing apartment. Maaliwalas ang buong paligid tanda na may ibig siyang ipahiwatig. Isang sigwit ng malamyang simoy ng hangin ang dumampi sa aking katawan. Sumilip na rin ng bahagya ang magiliw na sinag ng araw. Napansin ko ang siglang ipinadama ng kalikasan sa umagang iyon. Para bagang nang-aaliw at nanghihikayat na makipaglaban sa bawat hamon ng buhay.

“Magandang umaga James”

Kakaiba ang tinig na iyon. Ngunit alam kong boses ni Arlene ang aking narinig. Tinig na noon ko pa lamang narinig sa aking buhay. Agad akong lumingon upang hanapin ang kay tamis na tinig buhat sa aking likuran. Minsan pang naaninag ko muli ang magiliw niyang anyo.

“Mukhang maganda ang gising natin ah?” biro ko sa kanya.

“Tara, alis na tayo.” anyaya niya sa akin.

Kung sabagay, ang tanging maitutulong ko lamang kay Arlene ay maibalik ko sa kanya ang tiwala sa sarili. Tiwala na minsan isang panahon ay tinungkab ng kawalang pag-asa. At manindigan kung ano ang nararapat sa isang tao na sa kabila ng kawing kawing na suliranin sa buhay ay maipakita na kaya nating labanan ang mga kabiguan. Masaya kaming nagpalitan ng mga pahayag. Mga salitang maririkit na pumupukaw ng mga natutulog na damdamin ng mga taong nananabik sa makamtan ang ninanasang pangarap. Hindi alintana ni Arlene kung ano ang ihahatol sa kanya ng hukuman ngunit iisa lang ang aking nararamdaman, mananalo kami sa laban. Mapapawalang sala ang aking kaibigan. Nakita ko kay Arlene ang determinasyon sa sarili sa mga oras na iyon. Masaya niyang pinaalala ang aming kabataan sa aming baryo habang kaming nagbibiyahe. Binalikan din namin ang mga makapigil hiningang tagpo sa aming kamusmusan. Muling dinekta ng aking sarili.

“Mananalo kami sa laban.”

Dumating na kami sa bulwagan ng korte. Paglabas ko palang ng sasakyan, nakita ko na ang di mabilang na mga tao na sasaksi sa ibababang hatol sa aking kaibigan. Maging ang mga taga media ay nakaantabay sa aming daraanan. Nagkagulo ng bahagya ng makita nila ang aking kliyente ng buksan ko ang pinto ng aking kotse upang siya’y pababain. Sa puntong iyon, hindi ko nakitang natinag si Arlene sa napakaraming taga-usig sa kanyang daan. Dama ko ang tapang ng kanyang kalooban. Habang papalapit kami sa courtroom, patuloy na pinagkakaguluhan si Arlene ng mga taga media. Buti na lamang at may mga pulis na nagsasaayos sa naturang paglilitis.

“Tama,dapat matapang ka, dapat matuto kang lumaban.” bulong ko sa kanya.

“Oo, tinuruan mo akong lumaban at tinuruan mo akong maging matapang.” sagot niya sa akin.

Dinampot niya ang aking kanang kamay at sabay kaming tumuloy sa loob ng court room.

Wakas